Daan milyong piso mawawala sa MRT rehab

Ayon kay Roehl “Bo­yett” Bacar, kinatawan ng German-Filipino group na Schunk Bahn-und Industrietechnik - Comm Builders & Technology Philippines  joint venture group na kalaban ng Busan para sa tatlong taong kontrata sa maintenance at rehabilitasyon ng MRT, hindi na­ging pulido ang ginawang pagsisiyasat sa Busan at sa proposal nito para sa pagmantine at rehabilitasyon ng MRT sa halagang P3.8 bilyon. Philstar.com/AJ Bolando

MANILA, Philippines – Malulugi ang gobyerno nang daan-daang milyong piso kung itutuloy nito ang pagbigay ng P3.8 bilyong kontrata para sa maintenance at rehabilitasyon ng Metro Rail Transit sa isang Koreanong kumpanya na Busan Transportation Corp. at tatlong di kilalang lokal na kumpanya na wala umanong karanasan sa industriya ng riles.

Ayon kay Roehl “Bo­yett” Bacar, kinatawan ng German-Filipino group na Schunk Bahn-und Industrietechnik - Comm Builders & Technology Philippines  joint venture group na kalaban ng Busan para sa tatlong taong kontrata sa maintenance at rehabilitasyon ng MRT, hindi na­ging pulido ang ginawang pagsisiyasat sa Busan at sa proposal nito para sa pagmantine at rehabilitasyon ng MRT sa halagang P3.8 bilyon.

“Maraming kulang sa proposal ng grupo at hindi pinansin ng DOTC (Department of Transportation and Communications) ang mga kakulangan ng Busan,” ani Bacar.

“Unang-una, alam naman ng DOTC na mayron umanong padating na 48 na bagong bagon na binili ng gobyerno na ang supplier ay isang kumpanyang Tsino. Pero hindi kasama sa kontrata ang ilang pag-a-upgrade ng ilang importanteng systems ng mga tren ng MRT para masiguro na tatakbo ang mga bagong tren kung sakaling madeliver ito ng Dalian,” dagdag niya. “Li­ngid sa kaalaman ng karamihan na ang power supply nga­yon ng MRT ay kaya lang magpatakbo ng 16 na tren lang. Paano na kapag dumating ang mga bagong tren? Titirik ang buong linya dahil magkukulang ang kuryente. Hindi pa kasama dito yung mismong riles pati ang depot, saan mo ilalagay yung mga bagong tren pag sarado ang linya, pati saan mo ilalagay ang pila ng mga tren sa operating hours?”

Ang grupo ng Schunk-CBT ay dinisqualify ng DOTC Negotiation Team na pinangungunahan ni Undersecretary Rene Limcaoco dahil umano late ito ng 45 minutes.

Sabi ni Bacar, ang isinagawang proseso ng DOTC ay isang emergency procurement negotiation na hindi tulad ng isang opisyal na public bidding kung saan dapat ay istrikto sa mga deadline.

“Kaya nga emergency procurement negotiations eh. At isa pa, hindi nila kami inimbitahan sa isang importanteng pre-negotiation conference nung October, kaya na-delay kami sa pagkuha sa ilang mga documentary requirements na kailangan para makasali kami sa negosasyon lalo na at manggagaling pa sa Germany yung ibang mga dokumento na kelangang isubmit ng Schunk Bahn,” sabi ni Bacar.

Pinuna pa ni Bacar na mahiwaga kung bakit sila hindi inimbitahan nuong October.

Sabi ni Bacar, ang kanilang P4.6 bilyon na unsolicitied proposal ay kumpleto ang scope of work na magsisiguro na maiaayos at mamomodernisa at makapagdadagdag ng mga tren ang MRT na napabayaan ng maraming taon dulot sa pagpapatakbo ng mga ilang kumpanya na kulang ang kakayahan sa pagmamantine ng line ng tren.

Show comments