MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ni Transportation Sec. Jun Abaya na huwag literal na tignan ang sinabi ni Pangulong Aquino na magpapasagasa ito sa tren kapag hindi natapos ang LRT 1 extension sa 2015.
Sinabi ni Sec. Abaya, nasabi lamang ito ng Pangulo sa 2013 senatorial sortie sa Cavite upang ipakita ang “eagerness” nito na matapos agad ang LRT 1 extension mula Baclaran hanggang Bacoor.
“At pag hindi ho nangyari ito, nandyan ho si Secretary Abaya na nangangasiwa ng proyektong ito, dalawa na kaming magpapasagasa siguro sa train,” pahayag noon ni PNoy.
Ayon kay Abaya, hindi naman inaasahan ng Pangulo na magkakaroon ng 2 failed bidding para sa nasabi ng proyekto.
“It shouldn’t be taken literally,” sabi ni Abaya sa statement ng Presidente. “Kasi at that point in time, sila yata ay nasa very early stages of PPP (public private partnership) procurement. Unfortunately, [nagkaroon] ng dalawang failed bidding. I’m sure ‘di naman plinano ng Pangulo na magkaroon ng failed bidding dito. ‘Di rin naman namin plinano ito,” sabi pa ng DOTC chief.
Ipinagtanggol pa ni Abaya ang sarili nito dahil bagong appoint pa lamang siya sa DOTC kung saan ay pinalitan niya si Sec. Mar Roxas na itinalaga naman sa DILG.
Wika pa nito, ang Light Rail Manila Corp. (LRMC) ay nakatakdang gawin ang groundwork sa P64.9-billion project sa 1st o 2nd quarter ng 2016.
“Under the agreement, the LRMC will manage the LRT-1 for 32 years, during which it will also extend the line by 11.7 kilometers to 32.4 km from the current 20.7 km,” paliwanag ni Abaya.