MANILA, Philippines – Higit na mababa ang mga naitalang insidente ng sunog sanhi ng mga paputok at iba pa sa pagsalubong sa Bagong Taon ng 2016.
Ito ang nabatid kahapon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nakapagtala ng 11 insidente ng sunog noong Enero 1, 2016 kumpara noong Enero 1, 2015.
Sa rekord ng BFP nasa 71 insidente ang kanilang naitala sa unang araw ng Enero 2015 samantala sa taong ito ay 11 lamang.
Nabatid na nangunguna nang sanhi ng sunog sa tuwing magdaraos ng pagsalubong sa Bagong Taon ang mga paputok, pyrotechnics, fireworks at iba pa.
Tatlo sa mga nairekord na sunog sa unang araw ng taon ay pawang naganap sa Metro Manila.
Kabilang dito ang sunog sa Tondo kung saan nasa 3,000 ang naapektuhang pamilya na sanhi ng kwitis.
Mananatili naman ang monitoring ng BFP kaugnay ng Iwas /Disgrasya campaign hanggang Enero 5 dahil may mga indibidwal pa ring nagpapaputok na maaring natira sa pagsalubong sa Bagong Taon.