MANILA, Philippines – Umakyat na sa 458 ang bilang ng fireworks at firecrackers related injuries kaugnay sa pagsalubong sa taong 2016.
Sa ulat mula kay Health Secretary Janet-Garin, sa huling naitalang 384, lumobo na ito sa 458 simula Disyembre 21, 2015 hanggang Enero 1, 2016.
May hanggang Enero 5 pa nila tatapusin ang pagtatala ng mga nabiktima ng paputok.
Gayunman, nilinaw ni Garin na sa kabila na umabot na sa 458 ang bilang ng mga sugatan, mas mababa pa rin daw ito ng 44 porsyento kumpara sa pagsalubong sa Bagong Taon noong nakalipas na taon sa parehong panahon.
Sa general average o kumpara sa mga nakalipas na ilang taon ay mababa ito ng 49 porsyento.
Malaking tagumpay na aniya ito na kabahagi din ang kapulisan at media.
Hindi pa ito ganap na tagumpay dahil mas nanaisin umano nila sa DOH na tuluyan nang i-ban sa bansa ang paggamit ng paputok.
“This is again a call to our local government units, our partners, that we really have to ban firecrackers; and of course, sa Kongreso at sa Senado, uusad rin ang batas na ipinagbabawal natin ang lahat ng paputok,” ayon kay Garin.
“Sigurado sa darating na taon, what we really need is to deter the entry of piccolo. Dapat pigilan ‘yung pagpasok ng piccolo sa ating bansa kasi kung matanggal ‘yung piccolo, halos wala nang masasaktan.”
Samantala, sa ulat mula sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) lang ay umakyat na sa 102 ang kanilang nilapatan ng lunas kaugnay sa paputok at ligaw na bala.
Mula sa nasabing bilang, 44 ang mga bata at 58 ang nasa hustong gulang; 93 naman ang mga lalaki at 9 ang mga babae.
Ang Piccolo pa rin ang nangungunang sanhi ng pagkasugat na nakapagtala ng 42 biktima at 4 naman ang ligaw na bala.
Nasa 51 naman ang nagtamo ng pinsala sa kamay, 18 sa mata, 13 sa ibabang bahagi ng katawan, siyam sa mukha at anim sa braso.