MANILA, Philippines – Higit na dumoble sa unang araw ng 2016 ang mga tinamaan ng ligaw na bala matapos itong umabot na sa 42 sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, mula sa 17 kataong naitalang biktima ng stray bullet nitong Disyembre 31, 2015 ay nasa 25 pa ang nadagdag na tinamaan hanggang hatinggabi ng Enero 1, 2016.
Sa nasabing bilang, pito ang menor de edad kabilang ang isang 3-anyos na batang babae na unang naiulat na tinamaan ng ligaw na bala sa tiyan noong Disyembre 16, 2015 sa Sirawai, Zamboanga del Norte.
Kabilang naman sa mga tinamaan ng ligaw na bala nitong Enero 1, 2016 sina Emmanuel Pachecho, 72, tinamaan sa likod ng North Science City, Munoz, Nueva Ecija; Nadzmer Jikiri, 32, tinamaan sa dalawang paa; Sarpina Jadjona, 11, estudyante, tinamaan sa kanang bahagi ng ulo sa Patikul, Sulu.
Sugatan din noong unang araw ng Enero sina Jean Angelica Galam, 16; tinamaan sa kanang braso sa Baccara, Ilocos Norte; Melody Lomingo, 36, sa kaliwang balikat; Renaissance Dapuyin, 8, sa kanang hita mula sa cal 9mm sa Brgy. San Juan, Molo, Iloilo City.
Samantala sa kaso ng indiscriminate firing ay nakapagtala ang PNP ng walong sangkot dito kabilang ang anim na sibilyan, isang pulis at isang security guard.
Ang monitoring ng PNP sa Iwas Paputok /Disgrasya 2015 para sa Ligtas Paskuhan na nag-umpisa noong Disyembre 16 kasabay ng Simbang Gabi ay mananatili hanggang Enero 5.