MANILA, Philippines - Mahigit 150 na ang tinamaan ng paputok sa kabila ng mahigpit na bilin ng Department of Health (DOH) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Nasa 80 porsyento rito o 120 ay mga menor de edad batay sa datos ng DOH na nagsimula noong December 21.
Meron na ring tinamaan ng stray bullets at isa ang siyam na taong gulang na bata na nasawi mula sa Norzagaray, Bulacan.
Mahigit 100 sa mga insidente ay sanhi ng ipinagbabawal na piccolo at iba pang ipinagbabawal na uri ng firecracker.
Pinakamalaking bilang ng mga naputukan ay mula sa Metro Manila, sinusundan ng Bicol at Davao regions.
Bagama’t mas mababa umano ito ng 16 porsyento kumpara noong nakaraang taon, nakakaalarma pa rin umano ang naturang bilang.
Sa rekord naman ng PNP, nakapagtala na sila ng 207 insidente kabilang ang 96 naaresto sa pagbebenta ng illegal na paputok.
Pito naman ang nasakote sa illegal discharge of firearms na kinabibilangan ng limang sibilyan, isang pulis at isang security guard.
Nabatid na ang mga ipinagbabawal na paputok na kinukumpiska ng PNP ay kinabibilangan ng Goodbye Colombia, Aldub, Goodbye Philippines, Atomic, Big Lolo, Lolo Thunder, Superlolo at iba pa.
Gayundin ang watusi, piccolo, mother rockets, pillbox, boga big Judas belt, big bawang, kwiton at kabasi.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa inisyal na mahigit P1 M ang halaga ng mga nasamsam na ipinagbabawal na paputok ng PNP.