Rep. Villar sa PNP: Batas vs paputok istriktong ipatupad!
MANILA, Philippines - Inatasan ni Las Piñas Rep. Mark Villar ang Philippine National Police (PNP) para sa istriktong implementasyon ng RA 7138 o ang batas kontra paputok.
Ayon kay Villar, chairman ng House Committee on Trade and Industry, patuloy pa ring nagkalat sa pamilihan ang mga delikado at iligal na paputok kahit na mahigpit itong ipinagbabawal ng mga otoridad.
Iginiit ng kongresista na kailangang masiguro na nasusunod ang batas sa distribusyon, paggawa at pagbebenta ng mga firecrackers at iba pang pyrotechnic devices upang makaiwas sa disgrasya.
Bukod dito pinag-iingat din ng kongresista ang publiko sa pagbili ng mga iligal at smuggled fireworks na makikita sa ilang tindahan at dapat na tiyakin na ang bibilhing paputok ay may sertipikasyon at marka mula sa Bureau of Product Standards (BPS).
Kung walang markang makikita sa mga ibinebentang paputok ay nangangahulugang hindi ito nakapasa sa requirements at standards na hinihingi ng PNP.
Bago din umano bilhin ang paputok ay dapat na tiyakin na hindi ito substandard at may permit ang nagbebenta.
Ang mga paputok na hihigit sa .02 grams o 1/3 teaspoon ng firework o gunpowder ay ipinagbabawal na kaya mahigpit ang bilin ng mga otoridad na huwag tangkilikin ang mga paputok tulad ng Atomic Big, Trianggulo, Super Lolo, Giant Whistle Bomb at iba pa.
- Latest