MANILA, Philippines - Umabot sa mahigit 15,000 ang debotong dumagsa sa taunang ‘Thanksgiving procession’ o “Pasan ng Pasasalamat” kahapon sa Quiapo, Maynila.
Ang dapat na alas 4:00 ng madaling araw, dakong alas 5:15 na ng umaga nang mailabas sa Minor Basilica church (Quiapo church) ang Mahal na Poong Nazareno at tulad ng mga nakaraang taon ay iprinusisyon ito sa paligid ng Quiapo bagamat may ilang pagbabago sa ruta at iskedyul tulad ng pagdaan sa mas malaking kalye at noong mga nakalipas ay Enero 1 na ito iprinusisyon.
Naging mapayapa naman ang okasyon dahil iniwasan ang mga posibilidad na magka-aberya.
Una nang inabiso ni Chief Insp. John Guiagui, hepe ng Plaza Miranda Police Community Precinct ng Manila Police District-station 3 na hindi idadaan sa Carlos Palanca ang prusisyon dahil mahihirapan at posibleng masagasaan ang mga temporary stall sa Quinta market na isinasailalim sa renovation.
Kabilang sa kalyeng naging ruta mula Plaza Miranda ay Quezon Boulevard, CM Recto Avenue, SH Loyola, Bilibid Viejo, Gonzalo Puyat (Raon), Mendoza St. pabalik ng Q. Blvd hanggang sa makabalik ng Plaza Miranda.
May mga nakabuntot na ambulansiya at medical teams at iilan lamang umano ang kinailangang bigyan ng emergency medical attention kabilang ang dalawang hinimatay na deboto.
Kumpara sa Traslacion tuwing Enero 9, mas maliit ang Andas na ginamit na kayang abutin ng mga tao, may 200 pulis lamang ang tumutok sa paglibot at unti-unting nababawasan ang mga deboto habang pabalik na sa simbahan.
Paliwanag ni Monsignor Hernando Coronel, rector ng Minor Basilica church, iniwasan lamang umano ang petsang Enero 1, dahil ang araw na ito ay masyadong maraming basura lalo na ang mga nabasag na bote sa daan matapos ang putukan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Marami din aniya ang mga nakakalat na taong nag-iinuman at mga lasing na maaring makisali at makialam sa ruta.