MANILA, Philippines – Naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang 11 katao nang salakayin ang isang drug den sa Barangay Escopa II sa lungsod.
Sa ulat na ipinadala kay QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio, ang mga suspect ay nakilalang sina Joey Advincula; Jonathan Fedeles; Edgar Cadorna; Ren-ren Rendon; Cristina De Leon; Ricky Regalado; Angelita Autida; John Lester; Armando Solmarin; Aldrin Collantes at Antonio Cruz.
Ayon kay Tinio, naaresto ang mga suspect ng mga tropa ng District Anti-illegal Drugs Special Operations Task Group (DAIDSOTG) sa pamumuno ni P/Chief Insp. Enrico Figueroa, sa raid sa isang bahay sa no. 3 Topside, C-5 Road, Brgy. Escopa II, Project 4, alas 10:30 ng gabi.
Sinasabing ang nasabing bahay ay ginagawang batakan ng mga drug addict lalo na ng mga estudyante dahil malapit lang ito sa mga opisina at paaralan.
Ang naturang den ay minamantine ng mga suspect na sina Ricky Regalado at Cristina de Leon na todo naman ang tanggi sa nasabing isyu.
Nasamsam sa lugar ang siyam na piraso ng plastic sachet ng shabu, timbangan at mga drug paraphernalia.
Kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ngayon ng mga suspect habang nakapiit sa Camp Karingal.