MANILA, Philippines – Mahigpit na babantayan ngayon ng Northern Police District ang pagpupuslit ng mga iligal na paputok partikular ang mga nanggagaling sa Bulacan.
Sinabi ni NPD Spokesperson, Chief Insp. Concepcion Salas na naglatag na ang NPD at ang apat na nasasakupan nilang Police stations ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ng mga checkpoints sa mga istratehikong lugar.
“As of now we are now focused on law enforcement operations on RA 7183 known as Illegal Manufacturing and Sales of Fireacrackers and Pyrotechnics through inspections and checkpoints,” ani Salas.
Partikular na magsasagawa ng mga checkpoints ang Valenzuela at Caloocan City Police sa MacArthur Highway na daanan ng mga namamakyaw ng paputok sa Bulacan.
Nagpaskil na rin umano ang NPD ng mga poster sa kampanya sa “Iwas Paputok” at “Iwas Disgrasya” at inilagay rin sa LED Billboards sa Monumento Circle.
Umaasa rin ang NPD na kikilos ang kanilang mga force multipliers sa mga barangay na siya umanong dapat nangunguna rin sa pagsaway sa mga residente nilang pasaway habang naka-standby ang puwersa ng pulisya sa anumang malalaking insidente ng karahasan.