Wish ni PNoy: Pinas magiging 1st World
MANILA, Philippines – Nakiisa si Pangulong Aquino sa mga Filipino sa pagsalubong sa Bagong Taon at umaasa siya na lalong yayabong ang ekonomiya ng bansa kasabay ang pag-asang maging First World country ang Pilipinas pagdating ng 2030.
“Nakikiisa ako sa lahat ng mga Pilipino sa pamamaalam sa makasaysayang 2015 at umaasa na magiging mapayapa at masagana ang 2016. Ang lumalago nating ekonomiya, matatag na demokrasya at ang malaki nitong presensiya sa mundo ay hindi lang nangangako ng magandang simula sa darating na taon kundi nagtatampok din sa nagaganap na pagsulong ng Pilipinas sa ilalim ng Daang Matuwid,” paliwanag ng Pangulo sa kanyang mensahe para sa Bagong Taon.
Ipinagmalaki din ng Pangulo ang nakamit na tagumpay ng gobyerno sa pamamagitan ng Daang Matuwid kung saan ay naituwid ang mga pagkakamali ng nakaraang administrasyon.
Aniya, nakamit ang mga tagumpay na ito dahil sa kolektibong aksyon ng gobyerno at taumbayan sa pamamagitan ng Daang Matuwid na pamamahala.
Natamo anya ito dahil sa kolektibo nating paninindigan na ituwid ang mga napinsalang ahensiyang pampubliko para maging malakas, mas transparent at tumutugong institusyon.
“Naging dedikadong lingkod ng bayan ang demoralisadong manggagawa ng gobyerno at napalakas ang sektor ng negosyo. Kaya ang Daang Matuwid ay isang daan para mapabilang tayo sa First World at maging isa tayong $1 trillion economy pagdating ng taong 2030,” sabi pa ng Pangulo.
- Latest