MANILA, Philippines – Binitay na kahapon sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo sa Saudi Arabia ang OFW na si Joselito Zapanta matapos mabigong mabayaran ang P48 milyong blood money na hinihingi ng pamilya ng napatay niyang Sudanese noong 2009.
Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Charles Jose ang pagbitay kay Zapanta kahapon bandang alas-2:20 ng hapon matapos tumanggi ang pamilya ng biktima na maggawad ng Affidavit of Forgiveness o tanazul kapalit ng blood money.
Napatunayang may-sala ang 35 anyos na si Zapanta sa kasong murder with robbery noong Abril 13, 2010 sa Riyadh Grand Court dahil sa pagpatay sa kanyang Sudanese landlord dahil sa awayan sa renta.
Pumayag ang pamilya ng Sudanese na patawarin si Zapanta kapalit ng pagbabayad ng SR4 million (P48 milyon) blood money.
Nakalikom lamang ng P23 milyon para sa blood money ni Zapanta ang pamilya nito na mula sa Pampanga subalit nagtakda ang Saudi court na dapat mabayaran ang blood money nitong Nov. 14 hanggang sa bigyan ng palugit nitong Pasko pero hindi pa din naabot ang nasabing halaga.
Ikinalungkot ng Malacañang ang sinapit ng OFW at nakiramay ito sa pamilya ni Zapanta.
Iginiit ng Palasyo na ginawa ng gobyerno ang lahat ng tulong kay Zapanta upang mailigtas ito sa parusang bitay.
Iginawad aniya ng pamahalaan ang lahat ng kaukulang pag-agapay at tiniyak na nasaalang-alang ang karapatan nito sa buong proseso.
Kabilang na rin dito ang pagpopondo sa pagbisita ng ina at kapatid ni Zapanta sa Malaz Central Prison.
Pagtitiyak naman ng DFA, itutuloy nito ang pagbibigay ng tulong sa naiwang pamilya ni Zapanta.
Umaapela rin ang ahensiya sa lahat ng Pilipino sa ibayong-dagat na sumunod sa mga batas ng bansa kung saan sila naroroon at iwasan ang madawit sa mga kriminal na gawain.
Naiwan ni Zapanta ang kaniyang dalawang anak.
Sinabi naman ng DFA na ang mga labi ni Zapanta ay hindi na iuuwi sa Pilipinas at sa Riyadh na ito ililibing alinsunod sa tradisyong Islam dahil isa na siyang Muslim nang magpa-convert ng relihiyon habang nakapiit sa Saudi.