MANILA, Philippines – Nasa red alert status na ang mga ospital at health centers sa lungsod ng Maynila kaugnay ng paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa panayam kay Manila Mayor Joseph Estrada, sinabi nito na simula ngayon ay naka handa na ang pamunuan ng mga ospital at health centers dahil ngayon pa lamang ay marami na ang nagpapaputok sa kabila ng mahigpit nilang ipinagbabawal.
Aniya, pinulong na niya ang mga hospital director gayundin ang Manila Police District upang i-monitor ang mga lugar na madalas pinagbabagsakan ng mga paputok gayundin ang mga nagbebenta nito.
Binigyan diin ni Estrada na target niyang walang sugatan o biktima ng pagpapaputok kaya’t mahigpit din ang kanyang kautusan sa mga pulis na i-monitor ang lugar o magsagawa ng checkpoints upang masabat ang mga nagbebenta nito.
Nabatid kay Estrada na wala silang permit na ibinibigay sa mga nais na magtinda ng mga paputok dahil mas kailangan na bigyan ng priyoridad ang kaligtasan ng publiko.
Dahil dito, umapela si Estrada sa mga nagtitinda na makipagtulungan sa mga awtoridad upang matiyak na walang sugatan o biktima ng iba’t ibang paputok.