MANILA, Philippines – Patuloy na imomonitor ng Armed Forces of the Philippines ang grupo ng mga kabataang naglayag patungong Pagasa Island upang iprotesta ang pambu-bully at kapangahasan ng China laban sa mga bansang kaagaw nito partikular na ang Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla matapos na dumating noong Sabado ang mga kasapi ng “Kalayaan Atin Eto”, isang grupo ng mga kabataang kumokondena sa pagsasagawa ng ‘reclamation activities’ ng China sa nasabing teritoryo.
Sa kabila nito, sinabi ni Padilla na saludo sila sa pagiging makabayan at tunay na malasakit sa bansa ng nasabing grupo ng mga kabataan.
Ang mga nagsipaglayag na kabataan na pawang mga estudyante ay pinamumunuan ni dating Marine Captain Nicanor Faeldon, isa sa mga namuno sa Oakwood mutiny noong Hulyo 2003.
“We earnestly pray for their safety and will continue to monitor their movement so we can provide much needed assistance should the situation call for it,” pahayag ni Padilla.
“Sinasaluduhan natin sila at pinupuri ang pagbibigay pahayag sa kanilang suporta sa kanilang ginagawa sa ating sariling lugar sa West Philippine Sea at Kalayaan Island Group,” giit pa ng AFP Spokesman.
Gayunman, sinabi ni Padilla na hindi makabubuti para sa nasabing mga kabataan ang magtungo sa pinag-aagawang teritoryo dahil peligroso ito matapos namang ihayag ng grupo na magtutungo sila muli dito sa susunod na taon.
Nabatid na nasa 47 mga estudyanteng kabataan ilan dito ay menor de edad ang dumating sa Pagasa Island, isa sa mga islang inookupa ng Pilipinas sa West Philippine Sea noong Sabado matapos na maglayag sa lugar noong Huwebes mula sa Puerto Princesa City, Palawan. Naiwan naman sa Puerto Princesa City ang 38 sa mga ito dahilan hindi sila magkasya sa bangkang inarkila.
Bukod sa Pilipinas, kabilang pa sa mga bansang nag-aagawan sa Pagasa Island ang Vietnam, Brunei, Malaysia, Taiwan kung saan ang pinakamapangahas ay ang China.