MANILA, Philippines – Pormal nang hiniling kahapon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa Commission on Elections na idismis ang isang petisyong kumukuwestyon sa pagkabalido ng kanyang certificate of candidacy para sa pagka-presidente at ng kanyang party mate na si Martin Dino na kanyang pinapalitan.
Sinunod ng kampo ni Duterte ang utos ng first division ng Comelec na magsampa ng memorandum sa Lunes (kahapon) kaugnay ng petisyon ng isang Ruben Castor.
Ikinakatwiran ni Castor sa Comelec na hindi maaaring pumalit si Duterte kay Dino. Idiniin niya na nakasaad sa COC ni Dino na tumatakbo itong alkalde ng Pasay City.
Pero sinasabi ng kampo ni Duterte na wala nang saysay ang petisyon dahil tinanggap na ng en banc ng Comelec ang COC ni Duterte.