MANILA, Philippines – Binatikos ni Valenzuela Congressman Win Gatchalian (NPC) ang Department of Health dahil sa plano nitong pagbibigay ng incentives sa mga local government units na makakapagtala ng zero o mababang bilang ng mga masusugatan sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni Gatchalian na hindi ito ang solusyon upang mapababa o tuluyang mawala ang mga nasusugatan o nasasawi sanhi ng paggamit ng paputok sa pagsalubong sa New Year.
Reaksyon ito ni Gatchalian sa pahayag ni Health Secretary Janet Garin na plano ng DOH na mamigay ng monetary rewards sa mga pamahalaang lokal na makakapagtala ng zero casualty ngayong Bagong Taon.
“Hindi solusyon ang panukala ng DOH. Nagsasayang lang ito ng pera. Mahigpit na regulasyon ang lunas dito,” wika pa ni Gatchalian na 3-term mayor ng Valenzuela City bago naging kongresista ng 1st district ng lungsod.
Isinusulong ni Gatchalian na magkaroon ng mas mabigat na alituntunin sa pagbebenta at paggamit ng firecrackers sa pamamagitan ng pag-amyenda sa umiiral na batas.
Hiniling ng pambato ng NPC sa senatorial race sa 2016 na ipasa na ang HB 4434 o Firecracker Regulation Act of 2014 upang atasan ang DOH na maging istrikto ito sa pagpapatupad ng batas laban sa pagbebenta ng piccolo.
Samantala, umaasa ang Malacañang na susuportahan ng publiko ang kampanya ng DOH laban sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon sa bansa.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., mas maiging gumamit na lamang ng alternatibong paraan sa pagsalubong ng New Year gaya ng paggamit ng malakas na tugtugin o pagsagawa ng street party.
Hinimok din niya ang DOH na patuloy na makipag-ugnayan sa Department of Interior and Local Government, Department of Trade and Industry at Philippine National Police para mapiligan ang iligal na pagbebenta ng paputok.
Sa pinakahuling tala ng DOH, pumalo na sa 81 ang mga nabiktima ng paputok sa pagsalubong ng Pasko.