MANILA, Philippines – Ipinalabas kahapon ng Supreme Court ang dalawang temporary restraining order na pumipigil sa pagpapatupad ng desisyon ng Commission on Elections na idiskuwalipika si Senador Grace Poe sa halalang pampanguluhan sa taong 2016.
Isinagawa ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pagpapalabas ng dalawang TRO laban sa desisyon ng first at second division ng Comelec. Agad na epektibo ang kautusan ng Mataas na Hukuman.
Inatasan din ng Mataas na Hukuman ang Comelec at iba pang respondent na magkomento sa petisyon ni Poe sa loob ng 10 araw.
Ayon sa tagapagsalita ng SC na si Theodore Te, itinakda ng Mataas na Hukuman sa Enero 19 ang oral argument sa kaso ni Poe na isasagawa sa bagong session hall nito sa main building nito sa Maynila.
Binanggit din ni Te na didinggin ng Mataas na Hukuman nang magkahiwalay ang dalawang kaso.
Nauna rito, isinampa ng kampo ni Poe sa pamamagitan ng abogado niyang si George Garcia kahapon ng umaga sa Supreme Court ang mga petisyong humihiling na baligtarin nito ang desisyon ng Comelec na idiskuwalipika siya sa halalang pampanguluhan.
Sinabi pa rin ni Garcia na hihilingin din nila na huwag lumahok sa pagdinig sa kaso ang tatlong mahistrado ng Supreme Court na sina Antonio Carpio, Teresita De Castro at Arturo Brion na pawang mga miyembro ng Senate Electoral Tribunal na bumoto para idiskuwalipika si Poe.
Ang diskuwalipikasyon ni Poe ay nag ugat sa petisyong inihain nina Attorney Estrella Elamparo, dating Senator Francisco Tatad, University of the East College of Law dean Amado Valdez, at De La Salle University professor Antonio Contreras.
Hiniling naman kahapon ni dating Senador Francisco “Kit” Tatad sa Commission on Election na ipuwera si Poe sa official ballot para sa halalang pampanguluhan sa 2016.
Sa pamamagitan ng abogado niyang si Manuelito Luna, inihain ni Tatad ang isang motion for execution of judgment ng First Division ng Comelec para hilinging tanggalin ang pangalan ni Poe sa mga opisyal na balota.
Samantala, ikinatuwa naman ni Manila Vice Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng TRO sa pagsasabing hindi dapat na minamaliit ang boses ng nakararaming Pilipino.
Sinabi ni Domagoso, na tumatakbong senador sa ilalim ng Grace Poe-Chiz Escudero tandem na bagama’t panandalian lamang na tagumpay ang TRO, mas dapat aniyang bigyan pansin ang tagumpay ng mga inabandona at pinaampon na mga bata na apektado sa COMELEC ruling.