Poe nagpasaklolo sa SC, Comelec decision ipinababawi

MANILA, Philippines — Naghain na ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni Sen. Grace Poe ngayong Lunes ng umaga upang hilingin na mapawalang bisa ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na diskwalipikahin siya sa eleksyon 2016.

Hiniling ni Poe sa mataas na hukuman na maglabas ng dalawang temporary restraining orders (TROs) sa hatol ng dalawang division ng poll body.

"The Supreme Court has the sole authority to decide questions of qualification and to uphold with finality the people's right to choose the nation's leader," pahayag ng senadora.

Sinabi ng abogado ni Poe na maaaring maglabas din ng status quo ante order ang korte habang wala pang TRO upang mahabol ang limang araw na deadline ng Comelec.

Nais din ng kampo ng senadora na mag-inhibit ang tatlong hukom na sina Supreme Court associate justices—Antonio Carpio, Teresita De Castro and Arturo Brion— na pawang mga bumoto na diskwalipikahin siya sa Senate Electoral Tribunal.

Naka-recess ang Korte Suprema hanggang Enero 10 ngunit may kapangyarihan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na desisyunan ang ibang kaso kahit walang sesyon.

Kinatigan ng Comelec en banc ang desisyon ng First at Second division na diskwalipikahin si Poe dahil sa kakulangan sa 10-year residency rule at kuwestiyonableng citizenship.

Sinabi ni Poe na inaasahan na niya ang hatol ng Comelec at umaasa na lamang siya sa mataas na hukuman upang matuloy ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa 2016.

Show comments