MANILA, Philippines – Isinusulong sa Kamara na isama ang pensyon ng mga beterano, retired military at uniformed personnel sa coverage ng Salary Standardization Law of 2015.
Sinabi nina Magdalo Reps. Gary Alejano, Francisco Ashley Acedillo, Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil, ACT-CIS Rep. Samuel Pagdilao at Antipolo Rep. Romeo Acop sa House Resolution 2547 na dapat isama sa sakop ng SSL 2015 ang pensyon ng mga beterano at retired PNP at AFP bilang pagkilala at respeto sa sakripisyo ng mga ito para maprotektahan ang bayan.
Bagamat 1.53 million na umano mga civilian, military at uniformed personnel ang makikinabang sa dagdag na sahod, hindi naman kasama sa increase ang kanilang mga pensyon.
Bukod dito suspendido rin ang indexation ng pension benefits ng mga retired military at personnel na may base pay at nasa aktibong serbisyo dahil sa nakabinbin pa ang pension reform law.
Giit ng mga mambabatas, hindi patas na natatagalan ang pagsasaayos ng pensyon ng mga retirado at beterano dahil sa ibabatay pa sa pagpapasa ng pension reform na hindi pa naihahain sa Kongreso.
Ang hindi rin umano pagsama sa SSL 2015 sa mga beterano at retirado ay pagbabalewala sa batas at benepisyo na dapat ay kaparehong natatanggap din ng mga ito tulad ng mga nasa aktibong serbisyo.