MANILA, Philippines – Umakyat na sa 81 ang bilang ng mga biktima ng mga paputok ngayong Kapaskuhan at pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay Health Sec. Janette Garin, bagamat mas mababa ng 48 percent ang naturang datos kung ikumpara sa nakalipas na limang taon, ikinababahala ng kalihim na pabata ng pabata ang mga nabibiktima ng paputok at ang pinakabata ay 11 taong gulang lamang.
Pinakamarami pa rin umano na biktima ay dahil sa ipinagbabawal na piccolo.
Dahil dito nanawagan ang kalihim sa taong bayan na iwasan ang paggamit ng piccolo, at ipagbigay alam sa mga otoridad kung sino ang nagbebenta nito dahil maari silang hulihin dahil sa pagbebenta ng illegal na paputok.
Samantala sa monitoring ng PNP, isang pulis at dalawang sibilyan ang naitalang kaso ng illegal discharge of firearms; pito katao ang naitalang nasugatan, lima naman ang nasugatan na may kinalaman sa stray bullet; habang dalawa ang sugatan sa illegal discharge of firearms.
Umabot naman sa P603, 681.00 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang mga paputok sa iba’t-ibang panig ng kapulisan. Dagdag ulat ni Ricky Tulipat