Picture muna bago dalaw sa NBP
MANILA, Philippines – Bilang bahagi nang paghihigpit, kukuhanan muna ng litrato ang sinumang nais dumalaw sa mga inmate sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon sa pamunuan ng NBP, bukod sa pangalan at iba pang impormasyon nang dadalaw at kung ano relasyon nito sa dinadalaw na bilanggo, kukuhanan muna ito ng litrato at isasama ito sa database ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ni NBP Supt. Richard Schwarzkopf Jr., ang bagong sistema ay bahagi ng kanilang ipinapatupad na paghihigpit sa seguridad kasunod ng isinagawa nilang “Oplan Galugad Operation” kung saan nakasamsam sila ng maraming kontrabando sa mga selda ng mga preso.
Layunin ng bagong sistema na malaman kung may nagpapanggap lang na dalaw, na posibleng ito ang ginagamit para magpuslit ng kontrabando sa loob ng bilangguan.
Noong Huwebes (Disyembre 24, 2015) sinimulang ipatupad sa mga dalaw ang naturang sistema.
Ayon sa NBP, magpapakita lamang ng valid ID ang isang dadalaw at kapag nasa listahan sila ay maaari ng papasukin.
Kung wala naman sa listahan, hihingi muna ng visitor’s request at ipapa-apruba ito sa superintendent.
Maaari din aniyang mag-email sa [email protected] o mag-fax ng request sa 8098588 ang nais dumalaw para payagan silang makadalaw.
Mabilis naman aniya ang pagproseso nito, dahil nasa 15 ang mga computer na ginagamit ng NBP.
Magkakaroon lamang ng problema ang isang dalaw kapag hindi valid ID ang kanilang ipiprisinta.
Sa tala ng NBP humigit kumulang sa P4,000 katao ang dumalaw sa NBP para ipagdiwang ang araw ng Pasko.
- Latest