MANILA, Philippines – Kinatigan ng en banc ng Commission on Election ang naunang mga desisyon ng first at second division na nagkakansela sa certificate of candidacy ni Senador Grace Poe at nagdidiskuwalipika sa kanya sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon.
Nabatid sa isang mapapanaligang impormante na natalo si Poe sa dalawang apela makaraang mapatunayan na hindi siya natural-born Filipino at kulang siya sa ten-year residency na rekisitos para sa mga kandidatong presidente.
Sa isang hiwalay na ulat, sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na nais nilang mabigyan ng sapat na panahon ang mga kinauukulang partido na makapaghabol sa Supreme Court na siyang final arbiter sa kaso.
Inaasahang ipapalabas ng Comelec ngayong Miyerkules ang promulgasyon sa kaso ni Poe.
Hindi binanggit ng impormante kung paano bumoto ang mga komisyuner. Wala pang reaksyon mula sa kampo ni Poe habang isinusulat ito bagaman inaasahang magsasampa siya ng apela sa Mataas na Hukuman.
“Nagbotohan kami. Bumoto na po kami sa motion for reconsideration sa first division case, and bukas ho matatapos na siguro. But we have all voted,” sabi ni Guanzon sa hiwalay na panayam.
Ayon pa kay Guanzon, hindi pinagsama ng Comelec ang kanilang mga desisyon sa dalawang apela.
Iniaapela rito ni Poe ang mga desisyon ng first at second division na duminig sa disqualification case na isinampa laban sa kanya ng grupo nina De La Salle Prof. Antonio Contreras, dating Senador Francisco Tatad at dating University of the East College of Law Dean Amado Valdez at ng dating chief legal counsel ng Government Service Insurance System na si Estrella Elamparo.
Nang tanungin kung makakasama pa rin ang pangalan ni Poe sa balota habang hinihintay ang resolusyon sa kaso, sinabi ni Guanzon na meron lang limang araw ang isang tao na makakuha ng temporary restraining order mula sa Supreme Court para makasama sa balota.