MANILA, Philippines – Balik sa pangunguna sa pinakabagong Pulse Asia survey si Vice President Jejomar Binay sa napipisil ng mga botante bilang presidential bet sa 2016.
Sa data ng Pulse Asia, nakakuha si Binay ng 33 percent; si Duterte ay may 23 percent; si Sen. Grace Poe ay mayroong 21 percent; si dating DILG Sec. Mar Roxas naman ay may 17 percent, habang si Sen. Miriam Santiago ay nakakuha ng four percent.
Maaari umanong ikonsidera na statistatically tied o pantay sina Duterte at Poe dahil sa margin of error.
Isinagawa ito noong Disyembre 4-11, 2015.
Umaabot naman sa 1,800 ang bilang ng respondents sa nabanggit na survey.
Nakuha ni Binay ang National Capital Region (30 percent), Balance Luzon (34 percent) at Visayas (34 percent).
Pinili naman si Duterte ng Mindanao kung saan 43 percent ang nagsabing iboboto nila ito bilang pangulo.
Napanatili rin ni Binay ang pangunguna sa Class E (42 percent) at nakuha niya ang highest votes mula sa Class D (30 percent).
Sa vice presidential race, nanguna pa rin Sen. Chiz Escudero, 29 percent, kasunod si Sen. Bongbong Marcos, 23 percent.
Pangatlo si Sen. Alan Peter Cayetano (18%), Camarines Sur Rep. Leni Robredo (14%), Sen. Gringo Honasan (9%) at Antonio Trillanes IV (4%).
“No religious, political, economic, or partisan group influenced any of these processes,” pahayag naman ng Pulse Asia.
Sa kabila nito, sinabi ni Binay na ang tunay na resulta ng survey ay sa araw ng eleksyon.
Sinabi ni Binay na sa gitna ng maruming pamumulitika, marami pa rin ang patuloy na nagtitiwala.
“Taos puso ang aking pasasalamat sa ating mga kababayan sa inyong walang sawang pagsuporta. Ang inyong mainit na pagsalubong at pagtanggap sa akin sa tuwing ako ay dumadalaw sa inyong mga lugar ang siyang nagpapalakas sa akin,” ani Binay.
“Mahalaga para sa akin na makausap ang ating mga kababayan, alamin ang kanilang mga problema at pag-usapan ang solusyon lalo na sa problema ng laganap na kahirapan. Higit kong pagsusumikapan na makapagbigay ng maayos na serbisyo publiko. Ito lamang ang sukling aking maibibigay, lalo na sa masang Pilipino na hindi ako iniwan,” dagdag pa ni Binay.
Nanawagan din si Binay na sa halip na paninira, ay magsama-sama na lamang at bigyang pansin ang pagtulong sa mga kababayan na nasalanta ng bagyo sa Gitnang Luzon, Samar, at Mindanao.
Nagpasalamat naman si Atty. Rico Quicho, vice presidential spokesperson for political concerns sa mamamayan dahil sa patuloy na pagtitiwala at suporta kay Binay.
Sinabi ni Quicho na sa huling lumabas na resulta ng Pulse Asia survey, lalo pang dodoblehin ng Bise Presidente ang pagsisikap nito na direktang ihayag sa mamamayan ang kanyang mga plano upang mapaangat ang buhay ng lahat at maging agresibo ang gobyerno sa pagresolba sa kahirapan, kawalan ng trabaho at sakit ng lipunan.
“Ipagpapatuloy ni Vice President Binay ang pakikinig sa problema ng mahihirap at paghahanap ng tunay na solusyon sa ikagiginhawa ng kanilang buhay,” ani Quicho.