MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ng PAGASA ngayong Martes kung bakit kakaunting bagyo kumpara sa inaasahan ang dumating sa bansa ngayong 2015.
Sinabi ni PAGASA senior weather forecaster Vic Manalo na malaking dahilan nito ay dahil sa epekto ng El Niño na inaasahang magtatagal hanggang Hunyo ng susunod na taon.
Kadalasan ay 19 hanggang 20 bagyo kada taon ang nararanasan ng bansa, ngunit ngayong taon ay 15 lamang ang naitala.
Pinakamababang bilang ng bagyo ay naitala noong 2010 kung saan 11 lamang ang pumasok sa Philippine area of responsibility, habang 19 noong 2011, 17 noong 2012, 25 noong 2013 at 19 nitong nakaraang taon.
Noong 2007 pa huling nakaranas ng 15 bagyo ang bansa.