MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Vice President Jejomar Binay sa national government na tulungan ang mga local government units (LGUs) lalo na pagdating sa mga naapektuhan ng matinding sakuha o kalamidad.
Ang panawagan ay ginawa ni Binay kasunod ng kanyang pagbisita sa mga lalawigan na sinalanta ng bagyong Nona partikular ang Catarman at iba pang mga bayan sa Northern Samar.
Si Binay, ang presidential bet ng United Nationalist Alliance ang kauna-unahang opisyal ng gobyerno na bumisita sa nasabing lalawigan matapos na hagupitin ni Nona sanhi ng may P974 milyong pinsala.
Sa ulat na tinanggap ni Binay nang magkaroon ng briefing kasama si Northern Samar Governor Jose Ong, nabatid na umaabot sa 90 porsyento ng lalawigan ang sinalanta ng bagyo. May 24 bayan ang naapektuhan at may limang porsyento lamang sa lalawigan ang naibabalik.
Matapos na bisitahin ang Catarman, nagsagawa rin si Binay ng ocular inspections sa mga bayan ng Bobon, San Jose, Rosario, Lavezares at Allen.
Sa kanyang pagbisita, hinimok ni Binay ang mga LGUs na suportahan ang pagsususumikap ng national government na ma-mitigate ang impact ng climate change kasabay ng kanyang panawagan na tulungan ng gobyerno ang LGUs sa disaster response.
Binigyang-diin ng Bise President ang reyalidad ng climate change sa mga nagaganap na kalamidad at sakuha sa mundo.
“Climate change is a reality that must be addressed head on. We should shore up programs on disaster resiliency,” dagdag ng Bise Presidente.
Sa inisyal na report ng Eastern Visayas Regional Disaster and Risk Reduction Management Council (RDRRMC), nasira ni Nona ang halos 65,000 kabahayan sa Northern Samar sa pananalasa nitong linggo.