MANILA, Philippines – Makakaasa umano ng mas masayang Pasko ang mga manggagawa sa susunod na taon kung ang presidential aspirants na sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at ang running mate niyang si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang mananalo sa eleksyon sa 2016.
Inulit ng tambalan ang panawagan nila para sa mas mataas na living wage sa mga manggagawang Pilipino nang hindi maipasa ang panukalang batas na magdadagdag sana sa sahod ng mga public worker sa bansa.
“Panahon na para tapusin ang mala-sistemang pagpapabaya ng gobyerno sa ating mga manggagawa.Imbes na kakarampot na taas-sahod na ‘di naman natutugunan ang pasakit na taxes, cost of living at living conditions sa pangkalahatan, itinutulak namin ni Mayor Duterte ang pagbibigay ng living wage sa mga manggagawang Pilipino para makakawala sila sa tila walang katapusang problemang pinansyal,” sabi ni Cayetano.
Hindi naipasa ng Kongreso ang Salary Stadardization Law-4 (SSL-4) dahil gusto ng Senado na maisama sa panukala ang retiradong personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) sa iminumungkahing dagdag sa sahod. Ang inirekomenda naman ng Budget Department (DBM) ay hindi kasama ang retirees ng AFP at PNP, dahil ang pagsasama sa kanila ay magpapalaki ng gastusin.
Pero iginiit ni Cayetano na kahit pa aprubahan ang pagtaas ng 27 porsiyento ng sahod ng government workers, ang bagong compensation package na ibibigay sa minimum wage earners ay hindi pa rin sapat para sa mga pangunahing gastusin ng kanilang pamilya.
Base sa datos ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), minimum wage sa Metro Manila ay nasa P9,260 kada buwan, habang ang mga empleyado ng gobyerno na may pinakamababang salary grade (SG1) ay nakakatanggap lamang ng P9,000. Nasa P18,549 naman ang entry level salary ng mga guro ng pampublikong paaralan at sa mga pulis naman, P14,834.