MANILA, Philippines – Nagbigay ng ilang tips sa publiko ang pamunuan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang malamang peke ang alok na trabaho sa internet.
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac, pangunahing elemento para malamang peke ang alok na trabaho sa internet ay kung naniningil ito ng pera.
Kapansin-pansin din aniyang nagmamadali ang recruiter at puro matatamis na salita ang ginagamit upang maakit ang binibiktima.
Sinabi ni Cacdac na ilan sa kalimitang iniaalok nito sa prospective victim ay walang placement fee, walang kailangang PRC license, walang exam at iba pa.
Karaniwan din aniyang ipinagmamalaki nito na lisensyado silang recruiter ngunit direct hiring naman ang alok na trabaho.
Ani Cacdac, hindi istilo o siste ng foreign employer o recruiter, lalo na sa mga bansang tulad ng Canada, Estados Unidos, Australia, United Kingdom, New Zealand at Japan, na sumulat gamit ang email.
Paalala ni Cacdac, kung makikita ang mga binanggit niyang istilo ay huwag na huwag nang patulan ang alok na trabaho sa internet upang hindi maloko.
“Dapat na maging matalino at huwag magpaloko,” ayon pa kay Cacdac.