MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) ang mga kasong isinampa sa Ombudsman laban kay Immigration Commissioner Siegfred Mison.
Sa liham na ipinadala ni Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Menardo Guevarra kay Justice Secretary Alfredo Benjmain Caguioa kamakailan ay hiniling na siyasatin nito ang limang kasong inihain sa Ombudsman laban kay Mison at isumite sa kanya ang rekomendasyon hinggil dito.
Kalakip ng sulat ni Guevarra kay Caguioa ang record ng mga kaso ni Mison sa anti-graft body gaya nang inihain nina Atty. Vicente, Uncad, Ricardo Cabochan, Maria Rhodora Abrazaldo at Atty. Faizal Hussin.
Sinabi naman ni Communications Secretary Sonny Coloma na aantabayanan ng Palasyo ang magiging pahayag ni Caguioa hinggil sa kahilingan ni Guevarra.
Idinagdag pa niya na ang hakbang ni Guevarra ay bahagi ng nakasaad sa Administrative Code na nagpapadala ng kahilingan ang Tanggapan ng Pangulo sa pinuno ng isang tanggapan sa ilalim ng ehekutibo.
Kaya’t sa naturang usapin ay bahala na si Caguioa na magpasya kung anong aksyon ang isasagawa laban kay Mison.