Presyo ng langis may tapyas, pagkain tumaas
MANILA, Philippines – Inaasahang magpapatuloy ang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong darating na linggo habang nag-umpisa naman ang pagtaas sa presyo ng mga pagkain makaraan ang pananalasa ng mga bagyo at ulan dulot ng amihan.
Sa pagtataya ng mga oil experts, nasa P1.60- P1.80 sa kada litro ng diesel ang maaaring ibaba ngayong darating na linggo habang nasa pagitan naman ng P1.10- P1.20 ang ibababa sa presyo ng kerosene.
Inaasahan naman na maaaring walang pagbabago o magtaas ng maliit na P.10 sa kada litro ng gasolina.
Ang patuloy na pagbulusok sa lokal na presyo ng langis ay dahil pa rin sa dikta sa presyo ng krudo sa internasyunal na merkado na dulot naman ng mataas na suplay ngayon ng mga oil producing countries.
Samantala, tumaas naman ang presyo ng gulay, karne at maging mga isda sa mga pamilihan sa Metro Manila limang araw bago mag-Pasko. Ito ay dahil umano sa pagkasira ng mga pananim dulot ng mga lumipas na bagyo at patuloy na pag-uulan.
Sa monitoring sa mga pamilihan, umakyat ng mula P10-P20 kada kilo ang presyo ng mga gulay, nasa P30-P80 naman ang itinaas ng mga isda tula ng Hasa-Hasa, Lapu-Lapu dahil sa kakapusan ng suplay habang P10-P20 kada kilo ang itinaas ng manok, at karneng baka ngunit nananatili sa dating presyo ang karne ng baboy.
- Latest