MANILA, Philippines – Isasailalim na sa white alert ng Department of Health (DOH) ang lahat ng mga ospital nito sa buong bansa simula ngayon, Disyembre 21.
Ayon kay Health Secretary Janette Garin, ito ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa posibilidad na tumaas ang bilang ng mga magkakasakit bunsod ng malamig na panahon.
Paliwanag ni Garin, mas malakas ang posibilidad na tamaan ng ubo, sipon at lagnat ang mga bata at mga matatanda.
Kapag nasa white alert status, lahat ng hospital personnel ay naka standby para sa deployment at augmentation sakaling kailangan ang karagdagang medical services.
Bukod dito pinaghahandaan din ng DoH ang mga biktima ng paputok at ligaw na bala kasabay ng Kapaskuhan at pagsalubong ng bagong taon.