MANILA, Philippines – Dapat solusyunan ng pamahalaan ang madalas na pagbaha sa maraming bahagi ng bansa lalo na sa mga lalawigan dahil masama ang epekto nito sa lokal na ekonomiya at sektor ng agrikultura.
Ito ang idiniin ni Vice President Jejomar Binay kasabay ng pagbisita niya kahapon sa mga lalawigan sa Central Luzon na naapektuhan ng matitinding pagbaha dulot ng bagyong “Nona” na nag-iwan ng 35 kataong patay at P2B pinsala.
Nakipagkita at nakipagpulong si Binay sa mga lokal na lider sa mga lalawigan at tinalakay ang naging problema sa pagbaha sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Ikinalungkot ni Binay ang pagkawala ng maraming buhay habang bilyun-bilyong halaga ng mga ari-arian at kabuhayan ang nasisira tuwing mananalasa ang bagyo sa bansa.
Sinabi ni Binay sa harap ng local leaders nais niyang iprayoridad ang pagresolba ng mga pagbaha sa bansa dahil labis nang nakakaapekto sa mga komunidad at sa pamumuhay lalo na ang mga magsasaka sa Nueva Ecija, Bulacan, Aurora at Pampanga.
“Itong mga pagbaha ay dapat tugunan at hanapan ng solusyon ng pamahalaan, lalo na ng DWPH (Department of Public Works and Highways). Maraming kababayan natin ang naaapektuhan, lalo na ang mga magsasaka at ang sektor ng agrikultura,” ani Binay.
Matapos na bisitahin ni Binay ang Gapan at Cabanatuan City sa Nueva, Ecija, dumiretso siya agad sa San Miguel, Bulacan upang tingnan at bigyang ayuda naman ang mga mamamayan na naapektuhan ng pagbaha sanhi ng bagyo.
Nakatakda ring tumungo ang Bise Presidente sa Catarman upang tingnan ang kalagayan ng may 10,000 mamamayan na nagsilikas dahil sa nasabing kalamidad. Nasira rin maging ang istraktura ng Catarman Airport dahil sa malalakas na pagbayo ng hangin ng bagyong Nona.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) umabot na sa P2,070,034,469 ang nasira sa agrikultura at imprastraktura.
Sa nasabing halaga, P233.9 million ang pinsala sa agrikultura habang P1.836 billion sa infrastracture.
Nag-iwan din ng pinsala si Nona sa nasa 168,439 mga kabahayan, 35 health facilities at 20 schools.
Dahil sa bagyong Nona nasa 214 lugar ang lubog sa tubig baha at halos 300,000 katao pa rin ang patuloy na tinutulungan ng pamahalaan sa loob at labas ng evacuation centers sa Region 3, 4-A, 4-B, 5, at 8.
Sa tala ng NDRRMC nasa 35 katao na ang nasawi, 24 ang sugatan habang anim ang nawawala.