MANILA, Philippines – Sa halip na magsampalan at barilan, dapat na mag-debate na lamang sa harap ng publiko sina Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Alexie Nograles, kung silang mga kababayan ni Duterte ang tatanungin dapat na idaan na lamang sa debate ang mga mahahalagang isyu kaysa maghamunan ng away ang dalawa.
Mas mabuting sa debate na lamang umano idaan ng dalawa upang magkaalaman kung kaninong plataporma ang tatangkilikin at sasagot sa problema ng taumbayan.
Hindi naman naniniwala si Nograles na kayang manakit ng kapwa opisyal ni Duterte.
Paniwala ng kongresista, normal lamang at naiintindihan nila kung baki naging ganoon ang reaksyon ni Roxas kay Duterte taliwas sa puna ng iba na “cheap” ang ginawa ng mga tumatakbong sa pagka-pangulo dahil sa lumalalang word war.
Samantala, kinumpirma naman nito na nagkausap si House Speaker Feliciano Belmonte at Duterte noong isang gabi sa dinner party ng National Unity Party (NUP) kung saan naging maayos naman ang pagkikita ng dalawa.
Matatandaan na nagkaroon din ng palitan ng salita sina Belmonte at Duterte.