MANILA, Philippines – Umaasa si Sen. Chiz Escudero na maipapasa rin ng Senado ang kanyang panukala na gawing regular ang sahod ng mga opisyal ng mahigit 42,000 barangay sa buong bansa sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na buwan.
Ito’y matapos aprubahan ng Mataas na Kapulungan ang panukalang-batas na binibigyang kapangyarihan ang mga punong barangay na mangasiwa ng panunumpa sa kahit sinong opisyal ng gobyerno, kabilang ang Presidente.
Ayon kay Escudero, ang pagsasabatas ng parehong panukala ay isang malaking hakbang para kilalanin ang malaking papel na ginagampanan ng mga opisyal ng barangay.
Ipinasa ng Senado sa huling pagbasa ang Senate Bill No. 2693 noong Disyembre 14. Sa ilalim ng panukala, binibigyang kapangyarihan ang mga punong barangay na mangasiwa ng panunumpa sa lahat ng opisyal ng gobyerno.
Mula nang maluklok sa Senado noong 2007, itinutulak na ni Escudero ang pagkakaroon ng pirmihang sweldo para sa mga opisyal ng barangay na tumatanggap lamang ng honorarium base sa Internal Revenue Allotment ng kanilang lugar.
Layon ng SBN 124 na amyendahan ang Section 393 ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code para pagkalooban ng buwanang sahod ang mga kapitan ng barangay ng mas mataas ng 20 porsyento sa minimum wage sa kanilang rehiyon.
Makatatanggap naman ang mga kagawad, ingat-yaman at kalihim ng barangay ng sahod katumbas ng minimum wage sa lugar.
Sa kasalukuyan ay nakatatanggap lang ng honorarium na P1,000 kada buwan ang mga kapitan ng barangay, samantalang P600 naman ang sa mga konsehal, ingat-yaman at kalihim.