MANILA, Philippines – Inaasahang sa Enero 8, 2016 ilalabas ng Commission on Elections (Comelec) ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa 2016 elections.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, kinukumpleto na nila ang opisyal na listahan ng mga kandidato at isasama pa rin sa balota ang mga kandidato na ang kandidatura ay kinansela pero nakabinbin pa ang apela o wala pang pinal na pasya.
Hindi na papayagan sa Enero 8 ang editing sa election management system ng mga listahan ng mga kandidato.
Target sana ng Comelec na sa Disyembre 23 mailabas ang opisyal na listahan ng mga opisyal na kandidato sa darating na halalan. Pero ipapasok na umano ang initial list sa election management system.
Sa ikatlo o ikaapat na linggo naman ng Enero sisimulan ang pag-iimprenta ng mga balota para sa Eleksyon 2016.