MANILA, Philippines – Umaabot na sa 12 katao ang death toll, 18 ang nasugatan at dalawa pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Nona sa Regions IV A, IV B, V, VII at VIII.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot naman sa 50,040 pamilya o kabuuang 241, 330 katao ang nanatili pa sa 716 evacuation centers sa 14 lalawigan, tatlong siyudad at 75 bayan.
Sa report ng NDRRMC ay dalawa pa lamang ang kinukumpirmang nasawi kay Nona na kinilalang sina Ausente Pascual, nadaganan ng lumilipad na yero sa Allen, Samar at Jason de Sario, 28, nalunod sa Matuguinao, Samar.
Gayunman, sa isang TV interview, sinabi ni Oriental Mindoro Gov. Alfonso Umali Jr., apat ang nasawi sa kanilang lalawigan sa paghagupit ng bagyo.
“This is the worst that hit us in two decades,” pahayag ni Umali kung saan nasa 1,000 kabahayan ang nasira habang mahigit sa 100 poste ng kuryente ang nabuwal.
Bukod pa sa mga nasawi sa Oriental Mindoro, tatlo pa ang napaulat na namatay sa Samar, dalawa sa Catanduanes, isa sa Casiguran, Sorsogon at isa ang nadaganan ng nabuwal na punongkahoy sa Masbate.
Nasa P159,070 halaga ng agrikultura at imprastraktura ang nawasak na inaasahang tataas pa habang paparating pa ang ulat mula sa walo pang lalawigan.
Patuloy naman ang clearing operation at pamamahagi ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.