MANILA, Philippines – Nakapasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Onyok.
Ayon sa PAGASA, bandang ala-1:45 ng hapon nakatawid sa PAR line ang naturang sama ng panahon.
Sa ngayon ay isa pa lang itong tropical depression o mahinang bagyo ngunit may posibilidad pang lumakas habang nasa karagatan.
Huli itong namataan sa layong 1,150 kilometro sa silangan ng Mindanao.
Taglay ng TD Onyok ang lakas ng hangin na 45 kph habang kumikilos nang pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 23 kph.
Sa pagpasok ni Onyok, patuloy naman ang paghina ng bagyong Nona.
Ani Obet Badrina, weather forecaster, ang paghina ni Nona ay bunga ng patuloy na paglakas ng hanging amihan.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Nona ay namataan sa karagatan ng Bataan taglay ang hanging 120 kph at pagbugso na 150 kph.
Si Nona ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 7 kph at patuloy ang paghina hanggang sa ito ay maging isang tropical depression na lamang at tuluyang lumabas ng PAR ngayong Biyernes.
Si Onyok naman ay maaari din umanong humina at maging LPA dahil sa patuloy na paglakas ng hanging amihan.