MANILA, Philippines – Nagsanib-puwersa ang ilang samahan ng kababaihan at mga indibidwal sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang suportahan ang kandidatura ni Liberal Party vice presidential bet Leni Robredo.
Pormal na inihayag ng grupo, na kilala bilang Women for Leni Movement, ang pagsuporta nito kay Robredo sa pamamagitan ng isang media launch sa Max’s Restaurant sa Araneta Center, Quezon City noong Martes.
Kasunod ng media launch, isang kick-off activity, na pinamagatang “Kababaihan Bida sa QC” ang isinagawa sa Araneta Coliseum na dinaluhan ng libu-libong kababaihan.
Dumalo rin sa event ang kinatawan mula sa iba’t ibang sector – pamahalaan, negosyo, micro-enterprise at social enterprise, civil society, urban poor at grupo ng mga magsasaka.
Kabilang dito sina Quezon City Vice Mayor at lead convenor Joy Belmonte, Cong. Sitti Hattaman, Alice Murphy, Jeannie Javelosa, Reese Fernandez-Ruiz at Bea Binene.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na kinakatawan nila ang sama-samang pagnanais ng mga Pilipina na maghalal ng bise presidente na totoong naiintindihan at mabilis tutugon sa kaniang isyu.
Naniniwala ang grupo, na binubuo ng mga kilalang lider kababaihan at mga ordinaryong mamamayan, na si Leni Robredo ay isang tunay at tapat na lingkod bayan na inuuna ang interes ng taumbayan.
Suportado ng kanilang matibay na paniniwala sa kakayahan at malinis na pangalan ni Leni, nananawagan ang grupo ng women’s vote para kay Robredo sa 2016 elections.
Umaasa ang grupo na mahihikayat nila ang mga ordinaryong kababaihan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na bumuo ng sarili nilang organisasyo na susuporta kay Robredo bilang bise presidente.