MANILA, Philippines – Sa halip na sampalan, suntukan na ang ginawang paghamon ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Roxas sa mga reporters sa Balay Headquarters sa Quezon City, pambabae lamang ang sampalan kaya mas mainam na magsuntukan na lang sila ni Mayor Duterte.
Magugunita na umiinit ang palitan ng maaanghang na salita nina Roxas at Duterte dahil sa pinapalitaw ng alkalde ng Davao City na nagsisinungaling si Roxas ng sabihing graduate ito ng Wharton University. Nais palitawin ni Duterte na hindi naman graduate sa Wharton University si Roxas.
Nagbanta pa si Duterte na magtutungo ito sa Balay HQ sa Cubao, Quezon City para sampalin ang standard bearer ng LP.
“Talk. Talk. Talk. ‘Yan na lang ginagawa mo, Digong eh. Daldal nang daldal. Cubao, Quezon City, aantayin kita. Alam n’yo, itong tigas-tigasan, itong siga-siga, bumenta na ‘yan eh. Gasgas na ‘yan. Ako, galit ako sa bully. Galit ako sa mga nagsasamantala. Galit ako sa mga naghahari-hari. Galit ako sa mga mabibigat ang kamay. Galit ako sa mga tao na akala nila [na] sila lang ang kapangyarihan dito sa bansa natin,” wika pa ni Roxas sa mga reporters kahapon.
“Kaya kung hindi ka pa nakahanap ng iyong katapat Digong, andito ako. Hindi kita aatrasan. Ako ay para sa rule of law. Ako ay para sa kaunlaran ng ating bansa. Ako ay para sa progreso ng ating bansa,” paliwanag pa ni Roxas.
Hinamon pa ni Roxas ang alkalde ng Davao na huwag na lamang itong magsalita kundi gawin na lamang niya ang gusto niyang gawin.
“Gawin mo na lang kung anong gusto mong gawin. At sampalan? Bakit pa sampalan, pambabae ‘yan, suntukan na lang? Di ba? Simpleng-simple lang ito. dagdag pa ng LP standard bearer.
Hindi naniniwala si Duterte na nakapagtapos si Roxas sa Wharton University kaya sinabi nitong peke ang sinasabi ni Roxas na nagtapos siya sa nasabing paaralan at maglalabas siya ng ebidensiya.
“I think ang Wharton na mismo ang nagpalabas sa kanilang website ng aking degree. Hindi ko problema na si Mayor Digong ay ayaw maniwala sa mga opisyal na pahayag nitong mga paaralan na ito. At hindi ‘yan ang issue eh, ang issue ay ano ang kinalaman nitong lahat? Kung ayaw niya maniwala, eh di ‘wag. Di ba?, dagdag pa ni Roxas.