Cyber Sabong dudurugin - NBI

MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga ope­ratiba ng National Bureau of Investigation ang isang sabungan sa Tarlac na naaktuhan ang pasabong na may  iligal na pustahan ng mga sabungero sa pamamagitan ng internet online betting.

Kasabay nito, binalaan na rin ng NBI ang mga may-ari ng sabungan na sila ay kakasuhan kaugnay sa iligal tayaan sa mga sabong website o live streaming ng pasabong.

Naaresto sa nasabing pagsalakay sa loob ng New Tarlac Coliseum sa Barangay Binaguanan, Tarlac City ang mga tauhan ng sinasabing illegal na sabong-betting websites na www.sabong­tambayan.com at www.sabongworld.net

Sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Richard Paradeza, nahuli sa akto ang pag-video ng mga sultada at pagpapalabas nito sa internet ng live upang mapagsugalan ng mga online players.

Ang mga nahuling operators at crew nito ay pansamantalang pi­nakawalan pero sila ay makakasuhan pa rin sa regular filing ng NBI at sila ay maaring maharap sa kasong illegal gambling at cyber crime. Ang mga nagmamay-ari ng mga website na nahuli ay mahaharap din sa patong patong na kaso.

Panawagan ng NBI sa mga operators at crew ng iba pang illegal online sabong website na nag-o-operate sa iba pang lugar sa Pilipinas, siguraduhin na may matibay na permits at license to operate.

Binalaan din ang mga may-ari at operators ng mga sabungan siguruhin na ang mga nais mag-cover sa kanilang mga palaban ay may legal na lisensiya o permiso.

Show comments