Kapag nanalo si Digong: Smoking at liquor ban sa buong bansa
DAVAO CITY, Philippines – Babala ito sa mga mahilig sa yosi, alak at sa gumagamit ng fast lane.
Sinabi kahapon dito ni Mayor Rodrigo Duterte na hindi siya mag-aatubiling ipatupad sa buong bansa ang ilang lokal na ordinansang naging epektibo sa Davao City kapag nahalal siyang presidente sa halalan sa susunod na taon.
“Numero Uno ang ‘No Smoking’,” sabi ni Duterte sa kanyang lingguhang TV program dito na ‘Gikan sa Masa, Para sa Masa’ kasabay ng pagdidiin na ito ang magiging pangunahing patakarang kanyang isusulong.
Inihalimbawa ni Duterte ang smoking ban na 13 taon nang umiiral sa Davao City na, rito, ang mga nagnanais manigarilyo ay dapat magsagawa nito sa mga itinakdang lugar lamang. Ipinagbabawal din ang pagtatalaga ng mga smoking room sa mga gusali sa lunsod na ito.
“Lahat ay magagalit sa akin. Pero, dahil sa mga namamatay sa sakit na kanser, kailangan kong pangalagaan ang kalusugan ng publiko. Hindi ko ito ipagpapalit sa anumang bagay,” diin ng alkalde.
Bukod sa smoking ban, mahigpit na ipapatupad din ni Duterte ang speed limit para maiwasan ang mga aksidente sa mga kalsada.
Sa Davao City, nililimita sa 30, 40 at 60 kilometer ang speed limit ng lahat ng klase ng sasakyan.
Ipapairal din niya ang liquor ban sa buong bansa. Sa loob halos ng 15 taon, bawal sa Davao ang pagbebenta ng alak pagsapit ng ala-1:00 ng madaling-araw. Sinabi ni Duterte na nais niyang magsara na ang mga bar sa takdang oras at hindi sa madaling-araw.
- Latest