Tanim-bala victims, pinababayaran sa gobyerno

MANILA, Philippines - Matapos masampahan ng kaso ang ilang miyembro ng airport police at security kaugnay ng “tanim-bala” scam, iginiit ni Sen. Francis “Chiz” Escudero sa gobyerno na dapat pag-aralan ang pagbibigay ng kompensasyon sa mga biktima kapalit ng abala at trauma na kanilang dinanas sa kamay ng mga tiwaling kawani ng paliparan.

Sinampahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang kawani ng Office for Transportation Security (OTS) at apat na miyembro ng PNP-Aviation Security Group na inaakusahan ng pangingikil sa mga pasaherong nataniman ng bala sa paliparan.

“Isa itong kumpirmasyon na meron ngang modus operandi at may ilang tao, hindi naman lahat, ang sangkot dito,” giit ni Escudero.

Patunay rin aniya na ang isyu ng tanim-bala ay hindi lamang isang bagay na pinalaki ng media.

Hinikayat rin ni Escudero ang gobyerno na gumawa ng paraan para mabigyan ng kompensasyon ang mga naging biktima ng nasabing modus.

Hindi lang aniya mabibigyan ng bayad-pinsala ang mga biktima kundi matutulungan din ang bansa na makabangon mula sa kahihiyang idinulot ng scam na pinagpyestahan ng international media.

Batay sa ulat ng OTS at Manila International Airport Authority nitong Nobyembre, may naitala silang 1,394 na kaso ng nahulihan ng bala sa mga paliparan.

“Malaking perwisyo ito sa mga biktima na naiwanan na nga ng eroplano ay kailangan pang gumastos para sa kasalanang hindi naman nila ginawa. Ang pinaka-pwedeng gawin ng gobyerno ay bigyan sila ng tulong pinansyal bilang kompensasyon,” ani Escudero.

Hindi rin umano maikakaila na nagdulot ng pangamba sa mga lokal at banyagang byahero ang nasabing scam bagaman at hindi pa tiyak kung gaano kalaki ang naging epekto nito sa turismo ng bansa.

Sa taong 2012, umabot sa 4.27 milyong turista ang bumisita sa bansa at 4.68 milyon noong 2013. Mas tumaas pa ito noong 2014 sa bilang na 4.83 milyon, kung saan pinakamarami ay naitala noong Enero sa bilang na 461,383 at Disyembre na umabot 487,654.

Show comments