MANILA, Philippines - Kinansela na rin ng Commission on Elections (Comelec) First Division ang certificate of candidacy (COC) ni Sen. Grace Poe para sa pagtakbo nito sa pagkapangulo sa May 2016 elections.
Ang botong 2-1 ng Comelec ay bunsod ng petitions na inihain nina Sen. Francisco Tatad, Prof. Antonio Contreras at dating US Law Dean Amado Valdez.
Bumoto para kanselahin ang COC ni Poe ay sina Commissioners Rowena Guanzon at Luie Tito Guia habang lone dissenter naman si Commissioner Christian Robert Lim.
Ayon naman sa kampo ni Poe, nalulungkot sila sa desisyon ng Comelec sa kasabay ng pagsasabing binalewala ng poll body ang kanilang ebidensiya upang mapaglingkuran ang bansa.
Iaapela naman ng kampo ni Poe ang desisyon sa Comelec en banc at Supreme Court. Paliwanag ni Atty. George Garcia, hindi pa naman final at executory ang desisyon at maaari pang maghain ng motion for reconsideration.
“Wala pa rin pong pagbabago, ganun pa rin po ang effect nito ... kami po ay kandidato pa rin... ang aming pangalan ay nasa listahan pa rin, hindi po magbabago ang lahat,” ani Garcia. “Kami po ay magfa-file agad ng motion for reconsideration limang araw paglabas ng desisyon na ito.”
Ito na ang ikaalawang disqualification laban kay Poe, Una nang inilabas ng Comelec 2nd division ang disqualification bunsod naman ng petisyon ni Atty. Estrella Elamparo na nagsasabing hindi natural-born Filipino si Poe.
Sinabi naman ni Manila Mayor Joseph Estrada na babantayan niya ang development ng kaso ng kanyang inaanak at hindi na nagpasya pang magsubstitute noong Disyembre 10 na huling araw ng substitution.