MANILA, Philippines – Tinutulak ng mga electric cooperatives sa bansa ang kandidatura ni Liberal Party senatorial bet Carlos Jericho Petilla upang magkaroon ng malakas na tinig sa Senado ang milyun-milyong consumers ng kuryente.
Ayon kay Sergio Dagooc, pangulo ng National Association of General Managers of Electric Cooperatives, tanging si Petilla umano ang may tunay at seryosong krusadang amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang maging mas makatuwiran ang presyo ng kuryente sa bansa.
Dating kalihim ng Department of Energy, si Petilla at tumatakbo bilang senador sa ilalim ng Team Daang Matuwid. Kabilang siya sa mga personal na ineendorso ni Pangulong Aquino at LP standard bearer Mar Roxas.
Kabilang sa inaasahan ng mga kooperatiba na isusulong ni Petilla kung mahalal sa Senado ay ang mga sumusunod: Pagbabawal ng cross-ownership sa power generation at distribution sectors; at pagtanggal ng probisyong nagbabawal sa pamahalaan na mag operate ng sariling planta ng kuryente.
Ayon kay Dagooc, mahigit 50 milyung Pilipino -- lalo na sa kanayunan -- ang pangunahing customers ng electric cooperatives. Sila ay matatagpuan sa malalayong lugar na ‘di inaabot ng malalaking power distribution companies.
Ayaw ng mga miyembro at opisyal ng kooperatiba sa cross ownership provision ng Epira dahil ito umano’y inaabuso ng ilan kaya nananatiling mahal ang kuryente sa bansa.