MANILA, Philippines – Kinasuhan ng graft ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan si dating San Juan Mayor na ngayo’y Senator, Joseph Victor “JV” Ejercito dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) at Technical Malversation may kinalaman sa maanomalyang pagbili ng mga high-powered firearms noong February 2008.
Kapwa akusado ni JV sa kasong Technical Malversation sina Vice-Mayor Leonardo Celles, City Councilors Andoni Carballo, Vincent Pacheco, Angelino Mendoza, Dante Santiago, Rolando Bernardo, Grace Pardines, Domingo Sese, Francis Peralta, Edgardo Soriano, Janna Ejercito-Surla, Franciso Zamora, Ramon Nakpil at Joseph Torralba.
Ayon sa Ombudsman, nakakita sila ng probable cause hinggil sa paglabag sa Section 3(e) of R.A. No. 3019 laban sa Bids and Awards Committee members na sina City Administrator Ranulfo Dacalos, Treasurer Rosalinda Marasigan, City Attorney Romualdo Delos Santos, City Budget Officer Lorenza Ching at City Engineer Danilo Mercado.
Napatunayan namang guilty sina Dacalos, Marasigan, Delos Santos, Mercado at Barazon sa Misconduct at inatasang masuspinde ng anim na buwan sa tungkulin ng walang sahod.
Sa imbestigasyon, noong February 2008, hiniling ni Ejercito sa City Council na bigyan siya ng otorisasyon para sa pagbili ng high-powered firearms gamit ang kanilang calamity fund. Sinabi ni Estrada na ang procurement ay isang investment para sa disaster preparedness.”
Bunga nito, nagpasa ang mga konsehal ng City Ordinance No. 9 (Series of 2008) nag-ootorisa kay Ejercito sa pagbili ng matataas na kalibre ng armas para sa San Juan Police Department.
Noong 2008, ang mga respondents ay bumili ng tatlong units ng model K2 cal. 5.56mm sub-machine guns at 17 units ng Daewoo model K1 cal. 5.56mm sub-machines guns na may halagang P2.1milyon.
Sa ilalim ng DBM-DILG Circular No. 2003-1, ang mga high-powered firearms ay hindi ang mga items na bibilhin para sa disaster relief and mitigation lalupat hindi naman naisailalaim sa state of calamity ang San Juan.