MANILA, Philippines – “Hindi lahat ng naisagawa nung nakalipas na anim na taon ay nakapagbigay ng ginhawa sa karamihan.”
Ito ang pahayag ni Sen. Grace Poe tungkol sa administrasyong Aquino dahil sa mga ulat na paglago ng ekonomiya ngunit hindi nararamdaman ng karamihan ang epekto nito.
Pinuna ni Poe ang mga nagawa ng kasalukuyang administrasyon at ang mga pagkukulang nito dahil sa patuloy na kahirapan, kawalan ng trabaho at matataas na buwis.
“Sabi nila, meron na raw nagawa na matuwid na daan. Tuwid nga, ma-trapik naman,” wika ng independent presidential candidate sa ika-70 anibersaryo ng Philippine Government Employees Association-Trade Union Congress of the Philippines.
“Sa madaling salita, meron din mabuti na nagawa ang huling administrasyon. Pero kailangan din nating magising sa katotohanan: hindi lahat ng naisagawa nung nakalipas na anim na taon ay nakapagbigay ng ginhawa sa karamihan. Marami pa rin ang naghihirap, nagugutom at walang pag-asa,” dagdag niya.
Binigyang pansin ni Poe ang 20 porsiyento ng mga manggagawa sa bansa na pawang mga walang katiyakan ang trabaho dahil sa contractualization.
“Walang higit na sasakit pa sa isang manggagawa, sa pribado o sa pampublikong sektor man, na magising siya isang araw, wala na siyang trabaho dahil natapos o tinapos na ang kanyang kontrata; o kaya naman, tinanggal siya dahil hindi siya ‘kasangga’ o ‘kabagang’ ng pulitikong naluklok sa puwesto,” patuloy ng senadora.
Sa tingin ni Poe ay nakadadagdag sa lumolobong kahirapan sa bansa ang contractualization kaya naman nangako siya na kung palaring manalo sa 2016 ay isa ito sa mga tututukan niya.
Tatakbo sa pinakamataas na posisyon ng gobyerno si Poe kasama ang runningmate niyang si Sen. Francis Escudero.
Sa kabila nito ay diniskwalipika si Poe ng 2nd Division ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa kakulangan sa 10-year residency.
Naghain ng motion for reconsideration ang kampo ng senadora sa Comelec en banc upang mabaligtad ang desisyon ng 2nd Division.
Bukod sa napagdesisyunan nang petisyon, tatlo pang disqualification case ang kinakaharap ni Poe sa poll body