MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Caritas Manila na hindi kailangang idamay at gawing “collateral” ni Presidential candidate Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang Caritas Davao sa kondisyong hindi na ito magmumura.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila, kinakailangang pagtuunan ng pansin ni Mayor Duterte ang pagdidisiplina at pagtitimpi sa sarili para iwasan ang magmura.
Iginiit ni Father Pascual na pagpapakita ng unworthiness at kawalan ng kagandahang asal para sa isang kandidato sa pagka-pangulo ang pagmumura.
“Una sa lahat hindi dapat siya nagmumura dahil presidency is about character. At mukhang hindi yata magandang halimbawa na ang isang presidente o presidentiable ay nagmumura. Pwede namang hindi niya gawin yun, dapat niyang tigilan yun at kailangan niya ng self control,” ani Fr. Pascual. Magugunita na nagsagawa ng closed door meeting sila Mayor Duterte at Davao Archbishop Romulo Valles kung saan humingi ito nang paumanhin sa kanyang pagmumura sa Santo Papa. Nakiusap rin ito sa media na kung muli na naman siyang magmura, bibilangin ito at magmumulta siya ng P1,000 sa bawat salita. Aniya, ang bawat P1,000 ay mapupunta sa Caritas Foundation ng Simbahang Katolika.