MANILA, Philippines – Nanguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pinakabagong presidential survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa 2016 elections.
Nakakuha si Duterte ng 38 percent sa survey na pinondohan ng negosyanteng taga Davao na si William J. Lima.
Tabla naman sa ikalawang pwesto sina Bise Presidente Jejomar Binay at Sen. Grace Poe na may 21 percent.
BASAHIN: Endorsement ni PNoy sa 2016, lalangawin – SWS
Nasa ikaapat at panlimang pwesto naman si Liberal Party standard bearer Manuel “Mar” Roxas II at Sen. Miriam Defensor-Santiago na may 15 at 4 percent, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, si Sen. Francis Escudero naman ang nasa tuktok ng vice presidential survey sa natanggap na 30 percent.
Magkakasunod naman sina Sen. Ferdinand Marcos Jr. (24 percent), Sen. Alan Peter Cayetano (21 percent), Camarines Sur Rep. Leni Robredo (12 percent), Sen. Gregorio Honasan (6 percent) at Sen. Antonio Trillanes IV (5 percent).
Isinagawa ang survey noong Nobyembre 26 hanggang 28 kung saan nakapaghain na si Duterte ng kaniyang certificate of candidacy sa pagkapangulo.
Sa Mindanao pinakamalakas si Duterte na nakakuha ng 50 percent, habang 48 percent naman sa National Capital Region, 44 percent sa Visayas at 26 percent sa nalalabing bahagi ng Luzon.
Sa economic class ABC ay nakakuha si Duterte ng 62 percent, 37 percent sa class D at 32 percent sa class E.