Mga probinsya pauunlarin - Leni
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo na, kung mahahalal siya, pagtutuunan niya ng pansin ang pagpapaunlad sa mga lalawigan sa buong bansa.
“Sisiguraduhin natin na sa pag-asenso ng bansa, walang maiiwan sa laylayan ng lipunan. Ito ang bibigyan natin ng malaking diin, lalung-lalo na po ang rural development sa mga probinsiya,” wika ni Robredo sa isang panayam. “Sana magkaroon ng equal opportunity iyong buong bansa na matutukan din ng national government para sabay-sabay din umaasenso.”
Bago rito, sinabi ni Robredo na ang kanyang malawak na karanasan sa pagtatrabaho kasama ang grassroots sector ay magandang suporta kay LP standard bearer Mar Roxas na kilala sa galing sa paghawak sa mga isyung pang-nasyonal.
“Marami na akong karanasan sa lokal. Matagal akong nagtrabaho sa NGO na nakikilahok sa basehang sektor at sa mahihirap. Palagay ko I will be a good match to Secretary Mar Roxas, kasi ang puso talaga sa grassroots nandoon,” wika ni Robredo. “Totoong wala akong karanasan sa national politics pero palagay ko makakadagdag sa tandem namin dahil ako ang makakapagbigay ng local flavor.”
Nagtrabaho si Robredo kasama ang grassroots sector nang matagal na panahon bago naging kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur sa Kongreso.
- Latest