MANILA, Philippines - Bagaman binansagang “Chiz-mis” ni Liberal Party spokesperson Caloocan Rep. Egay Erice ang mga paratang ni vice presidential candidate Francis “Chiz” Escudero laban sa pambato ng Daang Matuwid Mar Roxas, kinundena naman niya ang walang habas na paninira ni Escudero kay Roxas.
Sa mga nakaraang araw ay inakusahan ni Escudero si Roxas bilang utak sa likod ng kasong disqualification laban sa kanyang running mate na si Sen. Grace Poe. Nagdesisyon ang COMELEC sa petisyong diskwalipikasyon na sinampa ni Atty. Estrella Elamparo laban kay Poe dahil kulang ito ng taon ng paninirahan sa Pilipinas na itinakda ng Konstitusyon na 10 taon dahil noong 2006 lamang ito naging Filipino muli pagkatapos nitong sumumpa bilang US citizen.
“Nagtataka kami kay Senator ‘Chiz-mis’ Escudero na hindi niya binabanggit ang kampo ni Vice President Binay, ganung alam naman ng buong Pilipinas na ang naglahad ng pagkakamali sa COC ni Senator Poe ay si Congressman Toby Tiangco na presidente ng United Nationalist Alliance ni Vice President Binay,” pahayag ni Erice.