MANILA, Philippines – Idadaan sa raffle ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasa-ayos ng listahan o order of listings para sa pagkakasunod-sunod ng party lists dahil karamihan ay nagsisimula umano sa letrang “A” at “1”.
Batay sa Resolution No. 10025, magsasagawa ang poll body ng raffle para matukoy ang pagkakasunud-sunod ng pangalan ng mga party-list groups sa official ballots na gagamitin sa May 2016 elections.
May kabuuang 185 party-list groups ang makakasali sa raffle na isasagawa sa Disyembre 14, na kinabibilangan ng 101 party-list groups, na ang aplikasyon ay naaprubahan na ng Comelec at 84 party-list organizations, na-deny ng dibisyon ngunit may mga nakabinbing apela sa en banc.
Tinitingnan pa rin ng Comelec ang posibilidad na madagdagan pa ng walo pang partylists na makakasama sa raffle subalit subject for resolution pa ang iba’t ibang isyu na kanilang kinakaharap.
Unang ipinakilala ng poll body ang raffle ng mga accredited party-list groups noong 2013 midterm polls, para tukuyin ang order of listing sa official ballots ng mga party-list groups.
Gumamit ng alphabetical order ang Comelec para sa pagkakasunud-sunod ng pangalan ng mga grupo sa balota, ngunit karamihan sa mga ito ay gumagamit ng letrang A at numerong 1 para mauna ang kanilang pangalan sa listahan.
May kabuuang 243 party-list groups ang naghain sa Comelec ng Manifestations of Intent to Participate in the 2016 elections.